Nagpatupad ang Philippine National Police (PNP) ng mga bagong panuntunan kung paano dapat hawakan ng mga imbestigador ang mga ebidensyang nakuha mula sa social media.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng naging desisyon ng Korte Suprema na nagtakda ng matataas na pamantayan sa pagpapatunay ng pagmamay-ari ng mga online account sa mga kasong kriminal.
Ayon kay PNP Acting Chief Jose Nartatez Jr., layunin ng bagong polisiya na palakasin ang pagbuo ng mga kaso at tiyakin ang katapatan sa mga digital na imbestigasyon. Binigyang-diin niya na hindi na basta-basta tatanggapin ang mga screenshot bilang sapat na ebidensya nang walang malalim na beripikasyon.
“Ngayon, hindi na basta-basta makokondena ang isang tao base sa screenshot o post na maaaring peke o na-hack,” pahayag ni Nartatez.
Itinakda ng Korte Suprema ang pitong gabay upang mapatunayan ang account ownership: pag-amin sa awtoridad ng post, access sa account, natatanging kaalaman na tanging ang may-ari lamang ang makaaalam, pagkakapareho ng istilo at wika ng mga post, rekord mula sa service provider o device forensics, pagkakapare-pareho ng mga naunang post, at iba pang indikasyon ng kontrol sa account.
Inatasan na ang lahat ng yunit ng pulisya sa buong bansa, lalo na ang Anti-Cybercrime Group (ACG), na isama ang mga pamantayang ito sa kanilang mga operasyon. Nilagyan na rin ng mga makabagong kagamitan ang mga regional cyber units para sa mas mabilis na pag-trace at pag-preserba ng digital evidence.
Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa mga higanteng platform tulad ng Facebook, TikTok, Instagram, at X (Twitter) para sa mas mabilis na pagpapatunay ng mga account na sangkot sa krimen.
Ang pagbabagong ito ay nag-ugat sa isang kaso sa ilalim ng Republic Act 9262 (VAWC), kung saan pinagtibay ng Korte Suprema ang hatol na walong taong pagkakakulong laban sa isang lalaking nanggulo sa kanyang dating nobya online. Bagama’t itinanggi ng lalaki ang account, napatunayan ng korte ang kanyang pagmamay-ari nito gamit ang mga profile photos at mensahe sa mga kamag-anak ng biktima na tumugma sa mga bagong “guideposts.”
Ang bagong polisiyang ito ay inaasahang magbabalanse sa pagitan ng kalayaan sa pagpapahayag sa internet at ang pananagutan sa ilalim ng batas.
