April 29, 2024

PEDICAB DRIVER PATAY NANG LUMUTANG SA NAVOTAS RIVER

WALA ng buhay nang lumutang ang 25-anyos na pedicab driver sa bahagi ng Navotas River matapos maiulat na nawawala sa Navotas City, kahapon ng umaga.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang biktima bilang si Daniel Patumbom alyas “Kulit”, 25 ng F. Pascual St., Brgy. Daang-hari, Navotas City.

Batay sa pahayag ng saksing si Angelo Quindor, 34, kay police investigator PSSg Reysie Peñaranda, dakong alas-10:45 ng umaga nang makita niya ang bangkay ng biktima na nakalutang sa dagat sa Kahunari 1, Brgy. San Jose, Navotas City.

Ipinaalam ng saksi ang kanyang nakita sa mga opisyal ng Brgy., San Jose na sila namang nag-ulat sa Navotas Action Command Center at sa mga pulis.

Sa tulong ng mga nagrespondeng tauhan ng Navotas Bureau of Fire Protection (BFP) nai-ahon ang bangkay at dito nakita ng pulisya ang bahid ng dugo sa kaliwang bahagi ng ulo at tenga ng biktima.

Dahil dito’y hiniling ng kapulisan ang pagsasailalim sa autopsy examination ng bangkay upang alamin ang sanhi ng pagkamatay at kung biktima siya ng karahasan o tumama lamang ang ulo sa matigas na bagay habang lumulutang sa Navotas River.