Pinangunahan nina Mayor Maan Teodoro at Rep. Marcy Teodoro ang pag-turnover ng mga makina sa pananahi, telebisyon, at hygiene kit sa BJMP–Marikina City Jail bilang bahagi ng patuloy na suporta ng pamahalaang lungsod para sa kapakanan at rehabilitasyon ng mga persons deprived of liberty. (LITRATO MULA SA MARIKINA LGU)
Upang mapabuti ang kalagayan at kapakanan ng mga Person Deprived of Liberty (PDL) sa lungsod, nag-abot ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Marikina sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)–Marikina City Jail.
Nag-donate ang LGU ng mga makina sa pananahi, telebisyon, at hygiene kits bilang bahagi ng kanilang patuloy na suporta sa rehabilitasyon ng mga preso.
Personal na pinangunahan nina Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro at Marikina First District Representative Marcelino “Marcy” Teodoro ang pag-turnover ng mga donasyon sa pamunuan ng Marikina City Jail sa pangunguna nina Supt. Rodel Cadpino at Acting City Jail Warden Senior Inspector Atty. Rosebelle Vasquez.
Ayon kay Mayor Maan, layunin ng apat na sewing machines na bigyan ang mga PDL ng pagkakataong matuto ng praktikal na pangkabuhayan gaya ng paggawa ng basahan at banig.
BASAHIN: Mas mahigpit na seguridad sa mga paaralan sa Marikina, ikinasa
Malaking tulong ito upang may mapagkakitaan sila paglaya at sa muling pagbabalik sa lipunan.
Ipinamahagi rin ang mga hygiene kit para sa kalusugan at kalinisan ng mga preso. Bukod dito, nagregalo rin ang lungsod ng mga bagong TV upang magkaroon ang mga PDL ng libangan at access sa mga educational at informative na programa habang sumasailalim sa rehabilitasyon.

Mabilis namang umaksyon ang LGU matapos humiling ang BJMP ng karagdagang suplay dahil sa dumaraming bilang ng mga PDL na sumasali sa mga livelihood programs.
Sa kanyang mensahe, tiniyak ng alkalde na hindi pababayaan ng pamahalaang lungsod ang mga PDL.
“Kahit nasa likod ng mga rehas, ang mga PDL ay nananatiling mahahalagang miyembro ng ating komunidad,” ani Mayor Maan.
“Araw-araw ay may pagkakataon na baguhin ang inyong buhay para sa ikabubuti. Huwag kayong mawalan ng pag-asa. Patuloy kayong magsikap para sa mas magandang kinabukasan.”
Sa kasalukuyan, mayroong 846 na lalaking PDL sa Male Dormitory at 196 na babaeng PDL sa Female Dormitory ng Marikina City Jail.
