Tuluyan nang sinampahan ng Office of the Ombudsman ng kasong plunder si Sen. Rodante Marcoleta nitong Biyernes, Hulyo 3, sa Sandiganbayan.
Dahil plunder ang kaso na may kinalaman sa kuwestiyunableng P75-milyong campaign donations nito, walang inirekomendang piyansa ang Ombudsman para sa senador kaya maaari itong direktang makulong.
Bukod sa plunder, nahaharap din si Marcoleta sa tatlong counts ng paglabag sa Presidential Decree No. 46 dahil sa iligal na pagtanggap ng mga regalo.
Kasama sa mga kinasuhan sina dating Lawmaker Mike Defensor, Joseph Varias Espiritu, at Aristotle Baluyut Viray na itinuturing na mga kasabwat (conspirators) sa krimen.
Nitong Biyernes ng umaga, agad na isinagawa ang raffle ng mga kaso sa Sandiganbayan. Ang mabigat na plunder case ay napunta sa 3rd Division ng korte, habang ang tatlong counts ng pagtanggap ng regalo ay naghati-hati sa 1st, 4th, at 6th divisions.
BASAHIN: Luistro: VP Sara ipagdasal na ma-convict
Isinampa ang kaso sa gitna ng ilang araw na kilos-protesta ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Metro Manila. Nag-ugat ang mga demonstrasyon matapos ianunsyo ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla noong Hunyo 29 na itutuloy ng kanyang opisina ang pagsampa ng mabigat na kaso laban sa INC senator.
Nagsimula ang gulo sa idineklarang yaman ni Marcoleta. Noong 2025, nagdeklara ang senador ng net worth na P51 milyon, pero gumastos siya ng P112 milyon sa kanyang kampanya kung saan pumasok siya sa Top 6. Sa kanyang unang deklarasyon, sinabi niyang walang nag-ambag sa kanyang kampanya.
Ngunit kalaunan, mismong si Marcoleta na ang umamin na nakatanggap siya ng P75 milyong campaign donations. Depensa ng senador, natanggap niya ang pera bago pa man magsimula ang opisyal na campaign period kaya hindi niya ito isinama sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) dahil hindi pa naman daw siya maituturing na opisyal na “kandidato” noon.
Hirit naman ng Ombudsman, kahit hindi pa siya opisyal na kandidato, nakaupo na siyang kongresista nang tanggapin ang pera. Dahil lagpas sa P50-milyong threshold ng batas ang halaga (P75 milyon), pasok ito sa krimen ng Plunder o pagpapakayaman ng isang opisyal ng gobyerno gamit ang iligal na paraan. May hawak din umanong ebidensya ang Ombudsman na nagpapatunay na may sabwatan sa pagitan ni Marcoleta at ng iba pang akusado.
Bago pa man isampa ang kaso, una nang nagmatigas si Marcoleta at sinabing handa siyang magpakulong kung itutuloy ng Ombudsman ang pagdemanda sa kanya.
