Personal na pinabulaanan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong Miyerkules ang mga kumakalat na haka-haka sa social media tungkol sa kaniyang kalusugan.
Sa isang video interview kasama si Palace Press Officer Claire Castro, tiniyak ng Pangulo na siya ay nasa mabuting kalagayan at abala sa kaniyang mga tungkulin.
Ayon sa Pangulo, halos tatlong buwan na siyang balik sa kaniyang regular routine at ehersisyo matapos gumaling mula sa diverticulitis (pamamaga ng bituka) noong Enero.
“Huwag niyo pong masyadong sineseryoso, alam mo naman ang sa social media palabiro ‘yan… wala po tayong problema,” ani Marcos.
Dagdag pa niya, wala na siyang sinusunod na “strict diet” at malaya nang kumain ng kahit ano, bagama’t binabantayan pa rin niya ang kaniyang timbang upang manatiling fit at handa sa trabaho.
Nag-ugat ang mga tsismis matapos mag-viral ang mga post na nagsasabing malubha ang sakit ng Pangulo dahil sa hindi umano pagpapakita sa ilang publikong okasyon nitong nakaraang Holy Week.
Mariing binalaan ng Presidential Communications Office (PCO) ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon. Sa katunayan, kasalukuyan nang nangangalap ng ebidensya ang pamahalaan para magsampa ng reklamo laban sa mga nasa likod ng “disinformation campaign” na ito.
Upang patunayan ang kaniyang pagiging “fit for work,” naglabas ang Malacañang ng mga larawan ng Pangulo habang pinamumunuan ang mga pagpupulong tungkol sa pagbaba ng excise tax sa langis, pakikipagpulong sa Private Sector Advisory Council (PSAC) para sa edukasyon at trabaho at pag-monitor sa sitwasyon ng mga Pinoy sa Gitnang Silangan.
Sa huli, nagpasalamat ang Pangulo sa mga nagaalala sa kaniyang kalusugan ngunit nakiusap sa publiko na maging mapanuri sa mga nababasa sa internet.
