Sumasailalim na sa masusing imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD) ang nadiskubreng ilegal na imbakan ng krudo sa isang residential area sa Scout Castor St., Brgy. Sacred Heart, kasunod ng isinagawang joint multi-agency inspection.
Sa ilalim ng pamumuno ni PBGEN Randy Glenn Silvio, sinimulan ang operasyon matapos makatanggap ng ulat noong Abril 4 tungkol sa isang tanker truck na nagtangkang mag-deliver ng diesel sa isang pribadong ari-arian. Agad itong hinarang ng mga Barangay Public Safety Officers (BPSO) at mga tauhan ng Kamuning Police Station 10 sa pangunguna ni PLTCOL Zachary Capellan dahil sa kawalan ng kaukulang pahintulot.
Nitong Abril 7, bandang alas-1:40 ng hapon, nagsagawa ng ocular inspection ang mga awtoridad kasama ang mga kinatawan mula sa Department of Energy (DOE), Bureau of Fire Protection (BFP), at ang Quezon City Business Permits and Licensing Department (BPLD).
Sa nasabing pagsusuri, tumambad sa mga awtoridad ang isang built-in storage tank na naglalaman ng tinatayang 10,000 hanggang 12,000 litro ng diesel, kung saan humigit-kumulang 702 litro na ang naibenta o nagamit. Nakumpirma rin na ang pasilidad ay nag-o-operate nang walang anumang valid business permit mula sa lungsod.
Dahil sa panganib na dulot nito sa komunidad, nakatakdang mag-isyu ang BFP ng Notice to Comply laban sa lessee ng pasilidad.
Kabilang sa mga paglabag ang kawalan ng fire safety measures, ilegal na pag-iimbak ng mga flammable liquids at pagpapatakbo ng pasilidad nang walang kaukulang dokumento.
Binigyan ang panig ng nagkasala ng 24 oras upang tumugon sa nasabing abiso.
Ayon kay PBGEN Silvio, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng QCPD sa iba pang ahensya upang makapangalap ng sapat na ebidensya para sa pormal na pagsasampa ng mga kaukulang kaso.
Tiniyak naman ng kapulisan ang kanilang patuloy na pagbabantay upang maprotektahan ang mga residente laban sa mga mapanganib at hindi awtorisadong aktibidad sa loob ng mga pamayanan.
