Ipinakita ni Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanyang matinding pagkabahala sa lumalalang iskandalo ng katiwalian sa mga flood control projects sa bansa nang utusan ang bagong Public Works Secretary na si Vince Dizon na palitan ang lahat ng opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon sa isang source, sinabi ni Marcos kay Dizon: “Palitan lahat,” bilang tanda ng kanyang pagkagalit sa umano’y pandaraya at overpriced projects na lumaganap sa ilalim ng mga dating DPWH executives.
Umalis sa pwesto si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan noong Agosto 31, isang araw matapos magpahayag sa video message na hindi siya susuko sa mga panawagang pagbibitiw sa kanya kaugnay ng kontrobersyal na flood-control projects.
Ayon sa source, ang planong sweeping revamp ni Dizon ay maaaring tumagal ng ilang linggo hanggang buwan dahil kinakailangan niyang maingat na piliin ang mga mapagkakatiwalaang kapalit para sa mahigit 20 posisyon sa departamento.
Kasama sa mga apektadong posisyon ay ang isang senior undersecretary, tatlong undersecretaries, anim na assistant secretaries, at labing-pitong regional directors, na tinatayang maaapektuhan ng drastic shake-up sa ahensya.
