Habang pumapasok ang buwan ng Setyembre, unti-unting nararamdaman na ng mga Pilipino ang masayang simoy ng “ber” months, at kasabay nito, bumabalik sa radyo at telebisyon ang mga klasikong Christmas songs nina Jose Mari Chan at Mariah Carey.
Kahit tatlong buwan pa bago ang Pasko, maraming Pilipino ang nagagalak na makinig sa mga kantang nagdadala ng diwa ng pasko, pagmamahal, at pagkakaisa. Kabilang sa mga patok na kanta ang “Christmas In Our Hearts” ni Chan at “All I Want For Christmas (Is You)” ni Carey, na naging soundtrack ng mga salu-salo, reunion ng pamilya, at malamig na gabing puno ng kasiyahan.
Sa isang panayam sa “Fast Talk With Boy Abunda” noong 2023, ibinahagi ni Jose Mari Chan, 80, ang pinagmulan ng kanyang iconic na awitin. Ayon sa kanya, ang melody ay nilikha noong 1988 mula sa tula ng kaibigang si Chari Cruz Zarate. Pinili niya ang kanyang anak na si Liza Chan bilang duet partner matapos ang ilang alternatibong singers na hindi magawa ang recording sa takdang oras.
“Napunta sa anak ko ang kanta dahil hinihingi na ng Universal Records na mailabas ang album bago mag-Oktubre. Kaya nagtulungan kami sa recording, at ang resulta ay kasaysayan na,” ani Chan.
Noong Setyembre 2024, hinikayat ni Mariah Carey ang kanyang mga Filipino fans na simulan na ang pagdiriwang ng kapaskuhan.
Sa kanyang social media post, sinabing: “Philippines, it’s time (only for you!!). I hope you’re all safe and well. Let’s celebrate together.”
Sa Pilipinas, ang kanyang iconic na kanta ay ipinapakinggan nang mas maaga, at noong 2023, iniulat na 75 porsyento mas maraming streams ang kanta sa bansa kumpara sa ibang bansa.
Ang kanta ay muling nakapuwesto sa Billboard Hot 100, na nagpatunay sa walang kupas na kasikatan nito sa bawat kapaskuhan. (MADS REYES)
