December 21, 2024

PBBM bumisita sa Kadiwa ng Pasko sa Valenzuela City

SA pag-asa para sa mas mataas na antas ng tagumpay ng Kadiwa ng Pasko sa Valenzuela City, bumisita si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa venue upang personal na makita ang sitwasyon ng programa sa Barangay Malanday Covered Court.

Masaya namang sinalubong nina Mayor WES Gatchalian, Senator WIN Gatchalian at mga konsehal ng lungsod si Pangulong Marcos Jr, na nag-ikot sa venue at siniyasat ang bawat stall.

Nasa 43 local entrepreneurs ang nakilahok sa nasabing bazaar para magbenta ng murang produkto sa mga mamamayan na binubuo ng mga food at non-food stalls.

Ang ilan sa kanila ay; San Miguel Foods Inc., Nissin Monde, Puresnacks, Eltee Mktg (Distributor ng Pepsi), Magic 5 Corporation (Condiments), Lins, TYBTG Corporation (canton, bihon, misua), Allison.mnl (sapatos), Moonlight handicrafts at iba pa na inimbitahan ng lokal na pamahalaan upang makapagbigay ng iba’t ibang produkto na mapipili ng mga tao.

Ang proyektong Kadiwa ng Pasko ay ang solusyon ng pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of Labor and Employment (DOLE) para sugpuin ang lumalalang presyo ng pagkain.

Layunin nitong magbigay ng selling venue para sa mga lokal na producer ng bansa kung saan ang mga tao ay makakabili ng abot-kaya ngunit mataas ang kalidad ng agri-fishery products at iba pang pangangailangan.

“Ito pong [Kadiwa ng Pasko] ay ang aming munting pagtulong para naman maging masaya ang ating pasko nitong taon na ito… kaya’t mabuti itong [Kadiwa ng Pasko], dahil hindi lamang nabibigyan ng pagkakataon ang taong bayan na makabili ng pangangailangan sa mas mababang presyo, ngunit binigyan din natin ng pagkakataon ang mga local producers na magkaroon ng merkado, kung saan sila maaring pumunta at ipagbili ang kanilang mga ginawang gamit.” pahayag PBBM.

Ang Kadiwa ng Pasko project ay unang pinasimulan ng Local Government Units (LGU) na layuning makapagbigay ng mas abot-kayang produkto para sa publiko. Dahil dito, naniniwala si Pangulong Marcos, Jr. na mas kapaki-pakinabang na palawakin ang saklaw nito sa buong bansa upang maabot ng mas maraming tao habang pinapanatili ang kita ng sektor ng agrikultura. Isa sa mga produkto na dinagsa ng mga tao ay ang PhP 25/kilo na bigas mula sa DSWD. Matatandaang noong panahon ng kampanya, nangako ang PBBM na ibaba ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan lalo na ang bigas.