November 3, 2024

PBA Bubble sa Clark welcome sa CDC

FIRST CLASS FOR PBA BUBBLE. Matatagpuan sa loob ng Clark Freeport Zone ang Quest Hotel na siyang magiging tahanan ng mga koponan ng Philippine Basketball Association (PBA) kasama ang mga coach at staff. Kabilang ang Clark sa 20 venue na napipisil na maging host ng PBA bubble para sa pagpatuloy ng 45th season nito. (Photo Courtesy of Quest Hotel – Clark)

WELCOME para sa Clark Development Corporation ang naging desisyon ng Philippine Basketball Association (PBA) na piliian ang Clark Freeport bilang opisyal na bubble venue para sa premier basketball league’s Philippine Cup 2020.

Ayon kay PBA Chairman Ricky Vargas, bagay na bagay ang Freeport na maging host para sa nasabing event dahil sa safety, protocol control, proximity sa mga ospital at may kakayahan din itong pangalagaan ang mental health ng mga players habang nasa bubble.

Nagagalak naman ang CDC, kasama ang Bases Conversion and Development Authority, dahil sa naging desisyon ng PBA.

“We express our gratitude to the PBA Board of Governors for choosing Clark for its bubble tournament and we are eager to help the PBA to start actual on-site preparations,” ayon kay CDC President-CEO Noel F. Manankil.

Una rito, sinabi ni NLEX Road Warriors coach Yeng Guiao na natugunan ng Clark ang mga pamantayan para sa inaabangang sports event kabilang na ang maayos na matutuluyan, seguridad, at higit sa lahat ay malapit lamang.

Ayon kay Guiao, ang Freeport ay may first-class amenities na angkop para sa isang nakapalaking kaganapan, lalo na para sa professional basketball league.

Ang 12 PBA teams ay titira sa isang hotel facility sa loob ng Freeport sa loob ng dalawang buwan. Ihahatid din sila sa napiling practice site para mag-ensayo at maghanda.

Inaasahang darating ang mga player, crew at mga opisyal sa Freeport sa Setyembre 26 at kasunod noon ay idadaos na ang mga scrimmages na magsisimula sa Setyembre 27.

Samantala, ang Angheles University Foundation (AUF) Sports and Cultural center ang pagdarausan ng mga laro.

Maraming beses nang napili ang Clark para pagdausan ng mga aktibidad na may kinalaman sa sports at kinilala rin ng Philippine Sports Tourism Awards (PSTA) bilang “Sports Destination of the Year” para sa taong 2015 at 2018. Nag-host na rin ito sa iba’t ibang international at local event kabilang na ang 30th South Asian Games noong nakaraang 2019.