April 29, 2024

PAUTAY-UTAY NA PAGBABAYAD NG UTANG NG GOBYERNO, MALAKING TULONG SA PUBLIKO – SALCEDA


SUPORTADO ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda na publiko ang makikinanabang sa plano ng pamahalaan na pakonti-konti ang pagbayad ng utang.

Nangangahulugan lamang kasi aniya na kaya ng pamahalaan na magpasok ng mas marami pang lifeline interventions para masuportahan at maprotektahan ang publiko.

Maituturing aniya itong magandang balita dahil kapag hindi gaanong malaki ang binabayarang utang ng pamahalaan ay mas maraming tao ang matutulungan.

Base sa latest debt service data ng Bureau of Treasury (BTr), natukoy na noong Pebrero ay P33.3 billion lang ang binayad ng pamahalaan sa utang ng bansa.

Mas mababa ito ng 77% kumpara sa P144.64 billion na ibinayad sa kaparehong buwan noon namang nakaraang taon.

Nakasaad sa datos ng BTr na malaki ang ibinaba sa binabayarang amortization ng pamahalaan, dahilan kung bakit dumoble naman ang babayarang interest nito.

Gayunman, sinabi ni Salceda na mayroong sapat na fiscal protection ang Pilipinas kaya kahit tumaas ang utang ng gobyerno ay mababa naman ang peso-on-peso interest ng mga ito.

Bagama’t malaki aniya ang debt flow o deficit ng Pilipinas, ang debt stock ng bansa ay mas mababa kung ikukumpara sa sariling historical performance mismo.

Gayunman, kailangan na patuloy na magkaroon ng fiscal at economic reforms, at suportahan ng pamahalaan ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa.

Ito ay para maipakita rin sa capital markets na committed ang Pilipinas sa anumang hakbang para makabangon sa kalbaryong idinudulot ng COVID-19 pandemic.