Umakyat na sa 29 ang kabuuang bilang ng mga nasawi matapos marekober ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 11 pang bangkay nitong Huwebes, Enero 29, sa nagpapatuloy na search operation para sa mga nawawalang pasahero ng MV Trisha Kerstin 3.
Ang nasabing barko, na pagmamay-ari ng Aleson Shipping Lines, ay lumubog noong madaling-araw ng Lunes, Enero 26, malapit sa Baluk-Baluk Island. Sa tulong ng mga lokal na residente, narekober ang mga huling biktima kabilang ang isang bata, isang crew member, at pitong babae.
Dahil sa pagkarekober ng 11 bangkay ngayong araw, lumalabas na mas marami ang sakay ng barko kaysa sa naunang ulat ng awtoridad na 10 lamang ang nawawala. Ang mga labi ay dinala sa Isabela City para sa forensic examination bago ituloy sa Zamboanga City.
Kasunod ng trahedya, sinuspinde ng Department of Transportation (DOTr) ang operasyon ng buong fleet ng Aleson Shipping Lines simula noong Martes. Nagdulot ito ng matinding abala sa komersyo at paglalakbay sa pagitan ng Basilan at Zamboanga.
βIto ay isang ‘necessary inconvenience.’ Kaligtasan ng tao ang dapat mauna,β pahayag ni Isabela City Mayor Sitti Djalia Turabin-Hataman, sa kabila ng pag-amin na apektado ang ekonomiya ng lungsod.
Dahil sa suspensyon, dumanas ng mahabang pila ang mga pasahero, kabilang ang mga estudyante, manggagawa, at mga pasyenteng nangangailangan ng dialysis sa Zamboanga City. Pinaka-apektado ang Lamitan City dahil Aleson lamang ang tanging shipping firm na nagsisilbi sa kanilang ruta.
Upang maibsan ang krisis, hinikayat ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang ibang kumpanya na mag-deploy ng karagdagang barko.
Ayon kay Lamitan City Port Manager Ken Calolot Bisal, inaasahang magsisimula ang operasyon ng Montenegro Shipping Lines sa rutang Lamitan-Zamboanga ngayong Biyernes, Enero 30. Samantala, kinumpirma ni Basilan Vice Governor Hadjiman Hataman-Salliman na magpapadala ang Fast Cat ng tatlong barko para sa rutang Isabela-Zamboanga simula sa Pebrero 2.
Nananatili namang naka-alerto ang PCG at mga lokal na yunit para sa anumang karagdagang impormasyon sa mga biktima ng malungkot na trahedya sa dagat.
