January 24, 2025

PARUSANG KAMATAYAN NABUHAY SA TARLAC DOUBLE MURDER

Naging mitsa ang viral video ng brutal ng pagpatay ng isang pulis sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac para buhayin ang parusang kamatayan.

Namayani ang galit sa puso nang mapanood ng marami ang viral video ng komprontasyon sa pagitan nina Senior Msgt. Jonel Nuezca at ng inang si Sonya habang yakap-yakap ang kanyang anak na si Frank Anthony Gregorio, na nauwi sa pamamaril ng pulis sa mag-ina nang malapitan.

Hindi talaga bubuhayin ng demonyong pulis ang kawawang matanda nang barilin pa ito habang nakabulagta.

Suportado rin ni Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez ang online petition sa Change.org para hilingin ang parusang kamatayan laban sa pulis.

Isa si Alvarez, sa sumusuporta para buhayin ang death penalty.

Kung siya aniya ang masusunod, hindi raw bitay ang gagawing parusa sa suspek na ito kundi ipake-cremate niya ito ng buhay. Araykupo!

Susunugin niya raw kaagad ito dahil sa ginawa nitong pagpatay sa walang kalaban-laban na mag-ina.

Isang nagnangalang Jamie Lynn Espinueva ang nag-simula ng petisyon sa Change.org na may titulong “Capital punishment for Jonel Nuezca.” Nakakalap na ito ng 1,817 na lagda nitong Martes (Disyembre 22).

Mismong si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ang nagsabi na maaring parusahan ng kamatayan si Nuezca dahil sa karumal-dumal nitong pagpatay sa mag-ina.

“Ayaw nila ng death penalty eh! ‘Yung ginawa ng pulis na cold-blooded killing is double murder and a heinous crime na dapat ang parusa ay death penalty pero hanggang ngayon hirap na hirap pa ring umusad ‘yung in-author kong death penalty bill,” ayon kay Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police.

Naniniwala ang senador na makatutulong ang pagbabalik ng capital punishment para magdalawang-isip ang mga gagawa ng karumal-dumal na krimen.

Una na rin nagpahayag ng pagpabor si Senador Bong Revilla na ibalik ang parusang kamatay dahil sa sinapit ng mag-ina sa Tarlac.

Pero para kay Sen. Joel Villanueva, susuportahan lang niya ang pagbabalik ng parusang kamatayan kung makikita niyang maayos na ang sistema ng hustiya sa bansa.

Bukas naman si Senate President Vicente Sotto III, na ibalik ang parusang kamatayan pero para lang sa mga high-level drug trafficker.

Ang Malacañang, ipinapaubaya na sa Kongreso ang pagtalakay sa pagbabalik ng death penalty.

“Ang pagpapasa po ng death penalty, ‘pag bubuhayin po ay sa mula’t mula prayoridad ng ating Presidente pero nakasalalay po ang mangyayari diyan sa batas na iyan sa kamay siyempre ng mga mambabatas ng Mababang Kapulungan at ng ating Senado,” sabi ni presidential spokesperson Harry Roque.

Pinawalang-bisa ang parusang kamatayan noong 2006 sa ilalim ng panunungkulan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Kung saka-sakali mabuhay, si Senior Msgt. Jonel Nuezca ang una sa pila ng paparusahan ng kamatayan. Boom!