ALABANG, MUNTINLUPA — Nagkaisa ang Board of Directors ng Alabang Golf Club nitong Lunes na bawiin ang pagkapanalo ng dalawang koponan sa katatapos lang na ika-38 taunang Mango Tee tournament. Ang desisyon ay kasunod ng matinding reklamo mula sa ibang mga kalahok at sa golf community.
Ayon sa board, ang mga iskor na naitala ng mga nanalong tandem ay itinuring na “highly unusual at statistically improbable” sa ilalim ng handicapping system ng laro.
Sa inilabas na desisyon, inutusan ng board na ibalik ang mga tropeyo nina Ronin Leviste (dating Vice Mayor ng Lian, Batangas) at partner na si Darren Flores – Top placers sa Net Division. Gayundin sina Raymund Villafuerte at partner na si Edward Tolentino – Second placers sa parehong kategorya.
Naganap ang desisyon dalawang araw matapos ang awarding ceremony kung saan nakaranas ng matinding panunukso at “booing” ang mga nasabing winner habang umaakyat sa entablado upang tanggapin ang kanilang mga premyo.
Naging sentro ng usap-usapan ang iskor ni Leviste na nakakuha ng 52 points mula sa gross score na 8-over-par 80, sa kabila ng pagkakaroon ng handicap index na 24. Ayon sa mga eksperto sa golf, ang ganito kataas na iskor ay hindi pa kailanman nakita sa loob ng 38 taon ng prestihiyosong tournament, kaya agad itong nag-viral sa social media at naging tampulan ng biro.
Aminado ang pamunuan ng Alabang Golf Club na kailangang kumilos nang mabilis upang protektahan ang dangal ng kanilang institusyon. Batay sa ginawang imbestigasyon ng Mango Tee Committee at Golf Committee, napagdesisyunang bawiin ang mga parangal upang hindi tuluyang masira ang kredibilidad ng nasabing member-guest event.
“Ang hindi pagkilos nang mabilis noong unang araw pa lang ng tournament ay nagdulot ng negatibong epekto sa reputasyon ng club,” pahayag ng board. Sa kabuuan, ang team nina Leviste at Flores ay nakakuha ng 180 points, habang sina Villafuerte at partner nito ay may 175 points sa loob ng dalawang round bago ang naging diskwalipikasyon. (Ron Tolentino)
