Agarang umaksyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa Victory Liner, Inc. matapos mag-viral ang isang video na nagpapakita ng mapanganib na pagmamaneho ng isa nilang bus sa isang expressway.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na itaguyod ang disiplina sa kalsada, naglabas ng Show Cause Order (SCO) ang LTFRB, sa ilalim ng gabay ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, upang pagpaliwanagin ang naturang bus company.
Sa nasabing video na na-monitor ng LTFRB social media team, makikita ang bus na nagsagawa ng isang mapanganib na maniobra laban sa isang trak. Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, malinaw na may paglabag ang driver sa kalsada.
“Nakita ko ang video at malinaw na may paglabag sa panig ng bus driver. Kasalukuyan na kaming nag-iimbestiga para malaman kung may dalang mga pasahero ang bus noong oras ng insidente,” ani Mendoza.
Inatasan ng LTFRB ang Victory Liner na kilalanin at iharap ang nasabing driver sa nakatakdang hearing sa Pebrero 25, 2026. Kinakailangan ding magsumite ng nakasulat na paliwanag ang kumpanya at ang driver kung bakit hindi sila dapat patawan ng parusa.
Nagbabala ang ahensya na ang hindi pagsipot sa pagdinig ay ituturing na pagbalewala sa kanilang karapatang madinig at magreresulta sa agarang pagpataw ng kaukulang penalidad.
Hinimok ni Mendoza ang mga operator na disiplinahin ang kanilang sariling hanay, lalo na’t buhay ng mga pasahero at iba pang motorista ang nakataya sa tuwing may nagaganap na road rage o iresponsableng pagmamaneho.
Tiniyak naman ng LTFRB na mas paiigtingin pa nila ang pag-monitor at mabilis na pagtugon sa mga reklamo laban sa mga pasaway na Public Utility Vehicle (PUV) drivers at operators upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
