Umalma ang daan-daang mga negosyo, beach resorts at kabahayan sa Lobo, Batangas matapos na maperwisyo ng paulit-ulit na brownout noong nakaraang Semana Santa. Inireklamo ng mga taga-Lobo at maging ng lokal na pamahalaan nito ang anila’y palyadong serbisyo ng BATELEC II (Batangas II Electric Cooperative, Inc.) sa kanilang lugar na nagdulot ng perwisyo hindi lamang sa pamumuhay ng mga residente kundi maging sa lokal na ekonomiya ng Lobo.
Ayon sa mga residente at negosyante, pinaghandaan nila ang Semana Santa lalo na at dagsa ang mga turista sa lugar sa ganoong panahon. Isa sa mga paghahanda ng halos 200 na resorts sa bayan upang salubungin ang estimated na 200,000 na turista sa Semana Santa ay ang pakikipag-usap mismo sa BATELEC II upang masiguro ang sapat na supply ng kuryente at maiwasan ang brownout na makakapagdulot ng abala sa mga bakasyunista.
Ayon kay Vanessa Mae Castillo, Lobo Senior Tourism Officer, nakipagpulong ang Lobo Tourism Office at Lobo Resort Owners and Caretakers Association (LOROCA) sa BATELEC II upang masiguro na stable ang power supply sa panahong maraming mga turista at maiwasan ang kadalasang pagkawala ng kuryente sa lugar. Isinangguni diumano ng BATELEC II sa mga resort owners na bumili ng transformers sa kanila upang makasiguro ng sapat na supply ng kuryente at sinunod naman ito ng mayorya.
Sa serye nang pakikipagpulong sa BATELEC II, siniguro ng Lobo LGU (local government unit) kung mayroon pang ibang kakailanganin at sinabi naman diumano ng kooperatiba na wala nang iba pa at makakaasa ang mga tao ng sapat na supply.
Ayon kay Castillo, hindi natupad ng BATELEC II ang pangako dahil Lunes pa lang ng Semana Santa ay nagkaroon na ng rotational brownout sa iba’t ibang barangay at nagtuloy-tuloy ang sitwasyon na ito sa buong Semana Santa.
Dahil dito, pinutol agad ng maraming customers at turista ang kanilang bakasyon sa Lobo, Batangas at humingi ang mga ito ng refunds sa mga resorts. Hindi na muna tumanggap ng bagong mga bisita at bookings ang mga resorts noong Semana Santa matapos ang insidente. Nakatanggap din ng maraming negatibong komento sa social media pages ng mga resort at tourism group pages ang naganap sa Lobo, Batangas. Ikinabahala ito ng mga resort owners dahil maaaring maapektuhan nito ang mga parating na bookings at negosyo para sa kanila.
Sinabi ni Neri G. Amparo ng LDRRMO (Lobo Disaster Risk Reduction and Management Office) II na lubusang naapektuhan din ang water supply sa lugar na nakaasa sa kuryente dahil sa sunod-sunod na power outages.
Nagpatawag ang Lobo LGU ng emergency meeting sa BATELEC II noong Biyernes Santo at dito na diumano sinisi ng BATELEC II ang mga resort owners na hindi kumuha ng transformers at idinahilan pa na nasa “dulo ng Batangas” ang Lobo kaya’t hindi nila ito mabigyan ng sapat na kuryente.
Idiniin ni Amparo na hindi tumupad ang BATELEC II sa ipinangakong supply ng kuryente at hindi rin umano nito naayos ang problema.
Matatandaan na nagpadala na ng liham noong nakaraaang taon si Lobo Municipal Mayor Lota L. Manalo kay ERC (Energy Regulatory Commission) Chairperson Monalisa Dimalanta upang humiling ng imbestigasyon tungkol sa operasyon ng BATELEC II.
Isinaad din sa malaman na liham ang palpak na serbisyo nito dahil sa palagiang brownout, mga walang babala o anunsyo nang matagal na pagkawala ng kuryente, biglaang voltage fluctuations na nakakasira ng mga appliances at ang mga reklamo at apela na hindi umano binigyan ng atensyon ng BATELEC II. (KOI HIPOLITO)
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA