May 17, 2024

Shabu, sigarilyo itinago sa ari ng babaeng dalaw; buking pa rin

ARESTADO ang isang babae na dadalaw sa nakakulong niyang kinakasama matapos mabisto ng babaeng jail officer ang shabu na itinago niya sa kanyang maselang parte ng katawan sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.

Ayon kay Caloocan City Jail (CCJ) Warden J/Supt. Jerome Verbo, dakong alas-3:30 ng hapon nang dumating ang suspek na si alyas “Jezyl” sa CCJ sa Talimusak corner Tanigue St., Kaunlaran Village, Dagat-Dagatan para dalawin ang kinakasamang si alyas “Samya” na nakakulong sa naturang detention facility dahil sa paglabag sa RA 10591.

Gayunman, napansin ni JO1 Eme Rose Bautista ang kakaiba niyang paglalakad na inihalintulad sa paglalakad ng isang pato kaya isinailalim sa pribadong pagrerekisa. 

Dito, nadiskubre ng jail officer ang nakasiksik sa maselang parteng bahagi ng katawan ng suspek ang 60 pirasong sticks ng Marlboro red cigarette, anim na transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu at dalawang aluminum foils na nakasilid sa parang-condom na lalagyan.


Dinakip ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.