May 2, 2024

MISIS BINOGA NI MISTER, SAKA NAG-SUICIDE

PATAY ang isang misis makaraan pagbabarilin ng kanyang mister na kalaunan ay nagbaril din sa sarili sa Cuenca, Batangas, kahapon ng umaga.

Naisugod pa ang biktimang si Elsa MendaƱa sa Martin Marasigan District Hospital at inilipat sa San Jose Medical Center ngunit namatay habang nilalapatan ng lunas sanhi ng mga tinamong tama ng bala. Dead on-the-spot naman ang kanyang mister na si Candido matapos magbaril sa sarili.

Ayon sa ulat ng pulisya, nagkaroon ng pagtatalo ang mag-asawa habang papauwi ng kanilang bahay galing sa palengke sakay ng isang owner type jeep sa Barangay Balagbag sa nabanggit na bayan.

Base sa salaysay ng mga nakakita sa pangyayari, bumaba ng sasakyan ang biktima at nagtatakbo bago humingi ng tulong saka nagsisigaw ng “Tulungan ninyo ako, papatayin ako ng asawa ko.”

Subalit naabutan ito ng suspek at pinagbabaril ang biktima na nagtamo ng mga sugat sa likod gamit ang isang kalibre 45.

Nang bumulagta na ang kanyang misis, dito nagpasiyang magbaril din sa ulo si Candido.

Inaalam na ng pulisya ang pinagtalunan ng mag-asawa. (KOI HIPOLITO)