Nanawagan ang Malacañang nitong Biyernes sa sektor ng pampublikong transportasyon na magkaroon ng kumpyansa sa mga hakbang ng pamahalaan, sa gitna ng patuloy na hirit kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na solusyunan ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis.
Sa isang pahayag, hinikayat ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro ang mga driver at operator ng public utility vehicles (PUVs) na magtiwala sa diskarte ng gobyerno na naglalayong balansehin ang tulong para sa mga tsuper at suporta para sa mga komyuter sa gitna ng krisis.
Ayon kay Castro, batid ng Pangulo ang bigat ng sitwasyon na dulot ng tensyon sa Middle East.
Sa kabila ng mga kilos-protesta at nationwide strike na inilunsad ng ilang transport groups, binigyang-diin ng opisyal na prayoridad ng administrasyon ang pagbibigay ng ayuda, kabilang ang fuel subsidies na sinimulan na sa mga tricycle operator sa Metro Manila.
Matatandaang ipinag-utos din ng Pangulo sa Department of Transportation (DOTr) na suspindihin ang pagtataas ng pamasahe habang tinitiyak ang karagdagang tulong sa mga apektadong drayber.
Nanindigan ang Malacañang na hindi kontrolado ng pamahalaan ang pandaigdigang krisis sa langis at kailangan ang pagkakaisa upang malampasan ito. Ayon kay Undersecretary Castro:
“Ang hiling lang natin ay pang-unawa at pagtitiwala sa mga desisyon ng gobyerno na binabalanse ang pagtulong sa mga mananakay at sa mga transportation sector. Sa panahon ngayon, ang kailangan natin ay pagkakaisa at pagtutulungan.
Alam po ni Pangulong Marcos Jr. ang hinaing nating lahat… Hindi natin ginusto ito. Hindi ito kasalanan ng Pangulo at ng gobyerno.”
