Kasabay ng patuloy na pag-usbong ng industriya ng turismo sa lalawigan ng Bohol, isinulong ang kahandaan ng mga lokal na komunidad upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente at mga turistang dumadayo sa mga dalampasigan at atraksyong-tubig nito.
Batay sa tala ng Bohol Provincial Tourism Office, nakapagtala ang lalawigan ng 1.43 milyong turistang dumating noong 2025—isang pagtaas ng 4.18 porsyento mula sa naunang taon.
Sa Bayan ng Panglao lamang, na isa sa mga pangunahing tourist hub sa lalawigan, mahigit 62,000 na bisita ang dagsang dumating sa pinalawig na bakasyon noong nakaraang Pasko ng 2025.
Bukod dito, pumasok din ang nasa 2.22 milyong pasahero sa Bohol-Panglao International Airport sa parehong taon.
Dahil sa dami ng mga turistang bumibisita sa mga dalampasigan, resort, diving sites, at mga aktibidad sa karagatan, dinala ng Bell-Kenz Pharma ang pambato nitong adbokasiya—ang Sagip CPR—sa Panglao Cultural Center noong Setyembre 21.
Nagsama-sama sa naturang pagsasanay ang mga mangingisda, person with disabilities (PWDs), Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) officers, Barangay Health Workers (BHWs), solo parents, at iba pang miyembro ng komunidad mula sa Panglao at Dauis.
Tinuruan ang mga kalahok ng Hands-Only CPR, paggamit ng Automated External Defibrillator (AED), at mga hakbang sa drowning prevention batay sa Drowning Chain of Survival.
Sakop nito ang limang kritikal na aksyon: pag-iwas sa pagkalunod, pagtukoy sa nangangailangan ng saklolo, pagtawag ng tulong, pagbibigay ng flotation device, at ligtas na pag-ahon at paglalapat ng paunang lunas.
Binigyang-diin ng pamunuan ng programa na ang kaligtasan ng isang destinasyon ay higit na tumatatag kapag ang mismong mga lokal na residente ang may kakayahang magresponde sa mga sakuna at emergency.
“Tourism and safety must go hand in hand,” ayon kay Patrick Larraga, Corporate Communications and Public Affairs Head ng Bell-Kenz Pharma.
“Sa pamamagitan ng Sagip CPR, nais nating tulungan ang mga komunidad na maging mas handa sa oras ng emergency. Kapag ang mga residente ay may sapat na kaalaman sa pagliligtas ng buhay, nagiging mahalagang bahagi sila ng paglikha ng mas ligtas na destinasyon para sa lahat.”
Pinalalakas ng aktibidad na ito ang pampublikong kaligtasan sa bansa, lalo’t nakatala ang Philippine Statistics Authority (PSA) ng 955 na kaso ng namatay dahil sa aksidente sa drowning at submersion noong taong 2025.
Sa patuloy na pagkilala sa Bohol bilang pangunahing tourist spot sa buong mundo, ipinapakita ng inisyatibong ito na ang pag-unlad ng turismo ay dapat na kaakibat ng kahandaan at kaligtasan ng pamayanan.
