Inihayag ni Senate President Sherwin “Win” Gatchalian ang kaniyang pagtataka kaugnay ng sunod-sunod na pagkapanalo ng kompanyang GenCorp sa mga kontrata sa ilalim ng lokal na pamahalaan ng Davao City mula noong 2022 hanggang 2026.
Sa ginanap na pagdinig sa Senado noong ika-31 araw ng impeachment proceedings, iginiit ni Gatchalian na mayroong 19 na kontrata ang naigawad sa GenCorp, kabilang ang mga pagkakataong nag-iisang bidder lamang ito o lone bidder.
“Hindi niyo ba natanong kay Atty. Domingo bakit ang daming kontrata ng GenCorp sa LGU na sunod-sunod from 2022 all the way to 2026? […] Normally sa LGU, like sa amin sa Valenzuela, napakaraming caterer. Kapag nagpapa-open kami, marami talagang sumasali,” ayon kay Gatchalian habang itinatanong kung bakit madalas na ang naturang kompanya ang nakakakuha ng mga proyekto.
Sinagot naman ito ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte at sinabing ang 19 na kontrata sa loob ng limang taon ay hindi napakalaki kumpara sa kabuuang volume ng mga proyekto sa lungsod.
Depensa ng alkalde, pinagtanong at nilinaw niya ang usapin sa kaniyang City Legal Officer na si Atty. Domingo.
“I had to clarify this with Atty. Domingo and his answer was simply because they were the most qualified and they complied with all the requirements,” pahayag ni Duterte.
Dagdag pa niya, tiniyak sa kaniya ng kaniyang legal officer na dumaan sa tamang proseso ang lahat at walang binypass na batas.
Inamin din ni Duterte na hindi na niya tiningnan ang mga abstract of quotation para suriin ang mga nakalabang bidder dahil nagtiwala siya sa ulat ng kaniyang legal officer.
Samantala, inihayag din sa pagdinig ang ugnayan ng alkalde sa isa sa mga stockholder ng GenCorp na si Jaime Cruz.
Inamin ni Duterte na mayroon siyang nakaraang business relationship kay Cruz sa ibang kompanya, ngunit itinangging nakipag-usap siya rito kaugnay ng mga transaksyon sa GenCorp.
“Regarding GenCorp? No,” malinaw na sagot ng alkalde nang tanungin kung nakipag-ugnayan ba siya sa sinuman mula sa kompanya.
