Muling ipinadama ng Pamahalaang Bayan ng Taytay ang tunay na kahulugan ng pampublikong serbisyo sa kanilang kamakailang pamamahagi ng P3,500 cash gift at subsidy para sa mga nakatatandang mamamayan ng bayan.
Hindi lang ito simpleng pamimigay ng pinansyal na tulong ngayong papalapit ang Kapaskuhan bagkus ito ay isang malinaw na pagkilala sa ambag ng ating mga senior citizen na nagbuhos ng kanilang lakas para sa pag-unlad ng Taytay.
At ang mas kahanga-hanga pa rito, mga ka-Berdugo, nagmula ang pondong ito sa mismong buwis ng bayan, isang patunay na kapag maayos at tapat ang pangangasiwa sa kaban ng bayan, ito ay direktang bumabalik sa mga mamamayan. Mismo!
Ngunit ang higit na kapuri-puri sa hakbang na ito ni Mayor Allan de Leon at ng lokal na pamahalaan ay ang pagpapatupad ng hybrid distribution system.
Sa nakalipas na mga taon, madalas nating makita sa ibang lugar ang kawawa’t mahahabang pila ng mga nakatatanda sa ilalim ng initan o ulan para lamang makuha ang kanilang ayuda.
Sa Taytay, binago ang sistema sapagkat may payout centers na at may house-to-house delivery para sa mga maysakit at bedridden. Saan ka pa!
Ito ang uri ng pamamahala na may puso at respeto sa dignidad ng mga senior citizen. Sana ay maging ehemplo at tularan din ng iba pang mga lokal na pamahalaan sa bansa ang ganitong makatao at modernong paraan ng paghahatid ng serbisyo. ‘Yun lamang po…
Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa arnoldpajaronjr1989@gmail.com
