December 20, 2024

PAGKUHA NG CPD PROGRAMS NG OFWS, PINABUBURA NI LAPID SA BATAS

ISINUSULONG ni Senador Lito Lapid ang pag-exempt sa mga kwalipikadong Overseas Filipino Workers (OFWs) na kumuha pa ng Continuing Professional Development o CPD program sa Pilipinas.

Sa bisa ng Republic Act No. 10192 o mas kilala bilang Continuing Professional Development Act of 2016, inoobliga ang lahat ng mga licensed professional worker sa bansa na magpatuloy ng pag-aaral sa pagkuha ng CPD units at magsumite ng evidence of compliance para sa renewal ng kanilang lisensya.

Nauna na umanong nabigyan ng exemption sa batas ang OFWs sa bisa ng Professional Regulation Commission Resolution No. 2019 – 1146, series of 2019, pero ayon kay Lapid kailangan pa rin ng enabling law para ma-insitutionalize ito.

Bagamat maganda ang intensyon ng batas sa promosyon ng professional excellence, ikinatwiran ni Lapid na hindi praktikal at dagdag pabigat lang ang pagkuha nito para sa ating mga OFW.

“Kaisa po ako ng ating mga OFW na hindi na kailangan pang i-require o obligahin na mag-comply sa CPD act sa panahon po ng kanilang pagtatrabaho sa ibang bansa. Hindi ito makatarungan, magastos at nanghihingi ito malaking sakripisyo mula sa ating mga modernong bayani natin na malayo sa kanilang pamilya at nakikipag-sapalaran sa ibang bansa,” giit pa ni Lapid.

Ang kasalukuyang pobisyon ng CPD law ay salungat sa “unique circumstances” ng mga OFW sa ibayong dagat.

Bukod sa aktwal na distansya sa pagitan ng Pilipinas at ng bansang pinag-tatrabahuhan ng mga OFW, inihayag pa ni Lapid na sobrang gastos din ito dahil sagot ng mga OFW ang mahal na gastos sa pamasahe at wala silang sahod kapag dumalo sa CPD seminars, workshops o training programs na lahat ay ginagawa dito sa Pilipinas.

“Kaya hinihiling ko sa ating Senado na agarang ipasa ang inakda kong Senate Bill No. 2349 na maglilibre  sa obligasyon ng mga OFW na kumuha ng CPD seminars, workshops o training programs sa panahon ng kanilang pagta-trabaho sa ibang bansa. Sa ganitong paraan, maipararamdam sa kanila ang taus-puso nating pagkilala sa sakripisyo at mahalagang papel nilang ginagampanan para  maihaon ang buhay ng kanilang mga pamilya, gayundin ang malaking ambag nila sa ekonomiya ng bansa.

Hinihiling din ni Lapid sa Professional Regulatory Commission(PRC) na magtatag ng CPD Compliance Program para sa Filipino professionals na naunang na-exempt sa batas at nais ng ipagpatuloy ang pagtatrabaho sa Pilipinas.