SA kulungan ang bagsak ng tatlong hinihinalang drug personalities matapos makuhanan ng mahigit P.6 milyong halaga ng habu nang maaresto sa buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City.
Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth ang mga suspek na sina alyas “Boss”, 25, driver ng Pasay City, alyas “Damza”, tricycle driver at alyas “Jomar”, 46, kapwa ng Brgy. 88, Tala.
Sa ulat, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan police sa pangunguna ni P/Lt. Resty Mables ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities ni alyas Boss.
Kaagad sinunggaban ng mga operatiba ng SDEU ang mga suspek matapos umanong bintahan ng P6,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer dakong alas-8:11 ng gabi sa Quirino Hi-Way, Brgy. 185.
Nakumpiska sa kanila ang humigi’t kumulang 95.9 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P652,120, buy bust money na isang tunay na P500 bill at anim pirasong P1,000 boodle money at P200 cash.
Sinampahan na ng pulisya ang mga suspek ng kasong pagpabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (JUVY LUCERO)
