Lumalakas ang hinalang malapit nang buwagin ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) matapos ihayag mismo ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na baka hanggang “isang buwan o dalawa” na lang ang itatagal ng kontrobersyal na komisyon.
Ayon kay Remulla, hindi naman talaga dinisenyong manatili nang matagal ang ICI, lalo’t aniya ay may umiiral na batas na nagbibigay ng kapangyarihan sa Office of the Ombudsman na mag-imbestiga sa lahat ng mataas na opisyal ng gobyerno kaugnay ng korapsyon.
Sa dami ng reklamo, kakulangan sa pondo, at papalaking pagdududa mula sa publiko, hindi na raw nakapagtataka kung mismong Pangulong Marcos Jr., na siyang lumikha ng ICI noong Setyembre 11 — ay magdesisyong buwagin na lang ito nang tuluyan.
Dagdag pa rito, ayon sa mga kritiko at analyst, mas lumalapit na raw ang imbestigasyon ng ICI sa “mga makapangyarihang personalidad” na umano’y konektado sa Palasyo at kanilang mga kaanak, dahilan para mas lalong umingay ang usaping posibleng pagpapatigil sa komisyon.
Nang magbitiw si dating DPWH Secretary Rogelio “Babes” Singson, na itinuturing na pinaka-credible adviser ng komisyon, tuluyan nang nabasag ang pag-asa ng taumbayan na may tunay na kalalabasan ang imbestigasyon.
Nauna nang nag-resign si Baguio City Mayor Benjamin Magalong, na hindi gaanong ikinagulat ng publiko dahil itinuturing siyang Duterte loyalist.
Si Singson, na kilala sa integridad, ay umaming mahina ang ICI at kulang sa kapangyarihan, ni hindi raw nito kayang pilitin ang mga testigo na humarap.
Matapos hilingin ng taumbayan ang livestreaming ng hearings, agad naman itong naglaho dahil sa sunod-sunod na hiling para sa “executive sessions” ng mga imbitadong resource persons, na lalong nagbunsod ng duda sa publiko.
Tatlong buwan pa lamang ang ICI nang likhain ito para imbestigahan ang multi-bilyong pisong anomalya sa flood control at public works projects. Sa setup ngayon, tungkulin lamang ng ICI na magpasa ng referral sa Ombudsman, na siya namang magsasagawa ng fact-finding at preliminary investigation.
Ayon kay ICI Executive Director Brian Hosaka, mananatili raw ang komisyon “hanggang matapos ang mandato” o hanggang magpasya ang Pangulo na ito’y buwagin.
Kinumpirma ni Hosaka na nitong Disyembre 5 lang nailabas ang notice of cash allocation, higit dalawang buwan matapos maitatag ang ICI. Nagsisimula pa lamang makipag-ugnayan sa Land Bank para magamit ang pondo.
Sa dalawang sunod-sunod na “Trillion Million Peso” rallies, paulit-ulit na sigaw ng publiko ang transparency, accountability at reporma, ngunit tila mas lalong lumalabo ang kanilang pag-asa.
May panukalang batas sa Kongreso at Senado na lumikha ng mas matatag na independent anti-corruption body. Umaasa si Singson na magkakaroon ng bago at mas mayipapangapang komisyon bago matapos ang taon.
Gayunpaman, nananatiling malaking tanong: kung maraming mambabatas at ilang opisyal ng ehekutibo ay iniugnay sa flood control scandal, kaya ba talagang magkaroon ng tunay na independent at transparent na komisyon?
Hanggang ngayon, nakabitin ang kapalaran ng ICI, at baka sa susunod na buwan, tuluyan na itong mabura.
