January 23, 2025

P6-M ILLEGAL NA DROGA NASAMSAM SA ABANDONADONG PARCEL

Nagsagawa ng imbentaryo ang Customs authorities sa NAIA sa mga nasamsam na illegal na droga. (ARSENIO TAN)

MAHIGIT sa P6 milyon halaga ng illegal na droga na natagpuan sa isang abandonadong parcel ay itinurnover ng Bureau of Customs-NAIA sa NAIA-PDEA.

Nasabat ang naturang droga ng Bureau of Customs at NAIA PDEA-IADITG sa isang warehouse sa NAIA complex sa Pasay City.

Sa ipinadalang report kay NAIA District Collector Yasmin Mapa, nanggaling ang illegal na droga sa 19 abandonadong parcel mula sa iba’t ibang bansa at tinangkang ipuslit sa bansa.

Kabilang sa mga nakumpiska ang 3,702.36 gramo ng marijuana o kush na may standard drug price na P5,183,304  hbang tinatayang 577 ml ng hinihinalang marijuana oil ang natagpuan din sa parehong parcel na nagkakahalaga ng P34,620.

Natagpuan din ng team ang 570 piraso ng ecstacy tablets na nagkakahalaga ng P969,000 habang nasabat din ang dry opium poppy flowers na may timbang na 850 gramo at hindi pa mabatid ang naturang halaga.

Lumalabas na P6,186,924.00 ang kabuuang halaga ng nasamsam na illegal na droga na itinurnover ng Customs NAIA sa ilalim ni Atty. Mapa sa NAIA PDEA-IADITG para sa wastong disposition at documentation. (ARSENIO TAN)