Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang tinatayang nasa P55.38 milyong halaga ng hinihinalang shabu mula sa isang dayuhang pasahero sa arrival area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 nitong Biyernes.
Sa pahayag ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno ngayong Sabado, kinilala ang suspek na isang German national na dumating sa bansa via connecting flight mula sa Addis Ababa, Ethiopia.
Nabisto ang ilegal na kontrabando matapos isailalim ang bagahe ng dayuhan sa routine non-intrusive X-ray inspection noong Pebrero 13, kung saan nakita ang mga “irregular images” sa loob nito.
Sa isinagawang physical inspection ng mga Customs examiners, tumambad ang mapuputing crystalline substance na maingat na itinago sa “false compartment” ng lining ng maleta at sa loob ng dalawang binutas na libro ng Biblia.
Ang mga nakuhang item ay binalot sa maraming layer ng plastik at duct tape upang hindi agad mahalata. Ayon sa BOC, tumitimbang ng kabuuang 8,145 gramo ang nasabat na droga na may street value na mahigit P55 milyon. Kinumpirma rin ng K9 sweep at field testing na ang nasabing substance ay positibong shabu.
Agad na ipinasa ang dayuhang pasahero at ang mga ebidensya sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa mas malalim na imbestigasyon at inquest proceedings.
Mahaharap ang suspek sa mga reklamong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA). (BOYET BARBA JR)
