December 25, 2024

P500 AYUDA SA MGA MAHIHIRAP NA PAMILYA KASADO NGAYONG HUNYO

FILE PHOTO

SISIMULAN na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng P500 subsidy o ayuda sa mga kapus-palad na pamilya bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 30.

“Basta before the month ends… Ang mga beneficiaries natin ay ‘yung bottom 50% of the population, kinabibilangan po ng approximately 12.4 million households. Kabilang diyan ‘yung mga 4P’s beneficiaries, mga social pension  beneficiaries, [at] ‘yung mga tumanggap din po ng unconditional cash transfer [from] 2018 to 2020,” pahayag ni DSWD spokesperson Irene Dumlao sa interview sa Dobol B TV.

Makakatanggap ang bawat household ng P500 per month sa loob ng anim na buwan.

Ayon kay Dumlao, maaring matanggap ng households ang pinansiyal na tulong sa pamamagitan ng cash cards.

Samantala, para sa mga kwalipikadong benepisyaryo na walang cash cards ay maari ninyong tignan ang inyong pangalan sa listahan na ilalabas ng pamahalaan para matanggap ang ayuda sa ibang kaparaanan.

Noong Marso pa inaprubahan ni Pangulong Duterte ang pagbibigay ng monthly subsidy bilang tulong sa mga pamilyang apektado sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at mga pangunahing bilihin.

Dumepensa naman si Dumlao sa mga batikos dahil sa atrasadong pagbibigay ng ayuda. Aniya, walang naging delay dahil maraming dinaanang proseso na kinailangang gawin bago ito maipamahagi. “Hindi natin nakita na may delay, may isinaayos lang tayo ng mga kinakailangang proseso para matiyak natin na magiging maayos ang pamamahagi ng tulong na ito,” paliwanag ni Dumlao.