May 10, 2024

4 BEBOT INALOK KUNG ‘MAGKANO’, 2 SENGLOT KULONG

KALABOSO ang dalawang lalaking mapanghusga sa kapuwa nang ipadakip ng apat na babaeng kanilang binastos madaling araw ng Sabado sa Navotas City.

Kinilala ang mga inarestong suspek na sina Kevin Josh Antazo, 30 ng Antipolo City at Giron Rommel Benito, 34 ng J-122 Anonas St., Zone 2, Iba Zambales.

Sa ulat ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) kay Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging, naglalakad sa kahabaan ng M. Naval St. sa Brgy. Sipac-Almacen ang apat na magkakaibigan na nasa edad mula 21 hanggang 28, dalawa rito ay propesyunal na nagtapos sa kolehiyo, dakong alas 12 ng hatinggabi nang madaanan nila ang mga suspek sa tapat ng isang bantog na fast food chain.

Tinanong umano ng isa sa mga suspek ang mga kababaihan ng makahulugang kataga na kung magkano sila na labis na ikinabigla ng isa sa apat kaya’t kinompronta niya ang lalaking nagtanong na umano’y halatang lasing.

Sa halip na humingi ng paumahin, muling inulit ng suspek kung magkano sila at sa pangambang gawan sila ng masama, ipinasiya na lamang ng apat na sundan ng palihim ang paglalakad ng mga ito.

Nagkataong nagpapatrulya sa lugar sina Emelito Postrero at Wilbredo Espinocilla, kapuwa barangay tanod ng Brgy. Sipac-Almacen, kaya’t sa kanila na humingi ng tulong ang apat na babae na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawa. Ayon kay Col. Ollaging, mahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 11313 o ang Safe Spaces Act ang mga suspek dahil ginawa nila sa mga nagreklamong kababaihan.