January 22, 2025

P430-K HALAGA NG KUSH, SHABU NASABAT SA RIZAL

ARESTADO ng pulisya ang mga hinihinalang drug pusher at nasamsam ang mahigit sa P430,000 halaga ng shabu at kush sa magkahiwalay na buy-bust operation sa lalawigan ng Rizal.

Ayong sa ulat, binulabog ng mga tauhan ng Taytay PNP ang grupo ng mga sugarol na nahuling nagka-cara y cruz  sa Barangay San Juan dakong alas-1:30 ng madaling araw.

Kinilala ang mga naaresto na sina alyas “Mohaimen,” “Nardo” at Weng, habang nagawang makatakas ng iba.

Nang kapkapan, nasabat sa tatlo ang limang plastic sachets na may lamang shabu, na may timbang na 25 gramo at nagkakahalaga ng P178,800.

Una rito, nadakip naman ng anti-illegal drug operatives sa Antipolo City si alyas “Bador” matapos niyang bentahan ng pakete ng shabu ang isang undercover na pulis sa Barangay Mayamot bandang alas-10:50 ng gabi.

Nasamsam sa suspek, na itinuturing na high-value individual o HIV sa kalakaran ng illegal na droga, ang 100 gramo ng “kush” na nagkakahalaga ng P150,000 na nakalagay sa dalawang plastic at mayroon pang tatlong plastic na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana na may timbang na 920 gramo at nagkakahalaga ng P110,400.

Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang isang mobile phone, na susuriin para sa records ng transaksyon ng droga.

Nasa ilalim na ng kustodiya ng pulis ang mga suspek at mahaharap sa kaso dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.