December 25, 2024

P400K shabu nasabat sa 3 HIVs na nadakma sa Malabon buy bust

NASA mahigit P.4 milyon halaga ng shabu ang nakumpiska sa tatlong bagong indentified drug personalities na itinuturing bilang high value individual (HVI) matapos masakote sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro ang naarestong mga suspek na sina Amado Amano, 53, delivery courier, Blesilda Dela Cruz alyas “Blessy”, 50, kapwa ng Alupihang Dagat St., Brgy. Longos at Jinky Dela Cruz, 46, ng Blk 5 Lot 45 Phase 2 Area 3 Dagat-Dagatan, Caloocan.

Sa report ni Col. Daro kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen Ponce Rogelio Peñones Jr, nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Malabon police sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Cpt Alexander Dela Cruz hinggil sa umano’y ilegal drug activities ng mga suspek.

Dahil dito, ikinasa ng mga operatiba ang buy bust operation laban sa mga suspek kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa kanila ng P10,000 halaga ng droga.

Nang tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad silang inaresto ng mga operatiba sa Blk 46 corner Pampano St., Brgy. Longos dakong alas-12:01 ng madaling araw.

Nasamsam sa mga suspek ang pitong small heat-sealed transparent plastic sachets at isang knot tied transparent bag na naglalaman lahat ng humigi’t kumulang P408,000.00 halaga ng hinihinalang shabu, buy bust money na isang P1,000 bill, kasama ang 9-pirasong P1,000 boodle money at coin purse.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.