April 24, 2024

Most wanted person sa statutory rape, nasakote ng NPD sa Malabon

NADAKIP ng mga operatiba ng District Intelligence Division ng Northern Police District (DID-NPD) ang isang machine operator na listed bilang most wanted sa dalawang bilang ng statutory rape sa isinagawang manhunt operation sa Malabon City.

Kinilala ni DID Chief P/Col. Alex Daniel ang naarestong akusado bilang si Jose Ryan Sarmiento, 42, machine operator ng Blk. 5 Lot 18 Champaca St., San Roque, Navotas City.

Sa kanyang ulat kay NPD Director P/BGen Ponce Rogelio Penones Jr, sinabi ni Col. Daniel na nakatanggap sila ng impormasyon na madalas umanong nakikita ang akusado sa Malabon City.

Agad bumuo ng team ang DID sa pamumuno ni P/Cpt Glenn Mark De Villa saka nagsagawa ng manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-11:40 ng umaga sa 290 C. Arellano St., Brgy. Baritan, Malabon City.

Ani Cpt De Villa, ang akusado ay dinakip nila sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Family Court, Branch 9 ng Navotas City, para sa kasong 2 counts ng paglabag sa Art. 266-A of the RPC as amended (Statutory Rape).

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility ng DIDMD NPD habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order ng korte.