November 2, 2024

P33 WAGE HIKE KAPOS SA PRESYO NG MGA BILIHIN – TUCP

Tila wala umanong epekto ang P33 na dagdag sahod para sa mga minimum-wage earners sa National Capital Region (NCR) na inaprubahan ng Metro Manila wage board noong Sabado.

Ayon kay Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) spokesperson Alan Tanjusay, sinabi nitong panandalian lamang ang epekto ng dagdag sa sahod na mahigit P900 sa isang buwan.

Paliwanag nito, sa mga susunod daw kasing mga linggo ay siguradong magsisitaasan din ang presyo ng mga bilihin kayat kulang na kulang ang P33 na dagdag sa sahod ng mga minimum wage earners sa kanilang hirit pa P470.

Dahil dito, plano raw ng kanilang grupo na ipanukala sa susunod na administrasyon ang wage rationalization act na naging batas noong 1989.

Sinabi ni Tanjusay na luma at irrelevant na ang naturang batas na kailangang amiyendahan dahil hindi na rin ito nakakasabay sa makabagong panahon.

Mayroon ding hiling ang TUCP sa susunod na administrasyon para sa mga maliliit na manggagawa.

Noong Sabado nang inanunsiyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) na inaprubahan na sa national capital region (NCR) at Western Visayas wage boards ang adjustments sa minimum wages ng mga manggagawa.

Batay sa statement ng DOLE ang regional tripartite wages and productivity board (RTWPB)-NCR ay naglabas ng wage order No. 23 noong nakalipas na May 13, 2022.

Nakasaad ditong pinagbigyan daw nila ang wage hike increase ng P33 kada araw para sa mga minimum wage earner, kaya tataas na sa P570 ang minimum wage para sa mga non-agriculture sector at P533 naman sa mga workers na nasa agriculture sector. Ayon sa DOLE, inaasan nilang aabot daw sa 1 million minimum wage earners sa mga private establishments sa rehiyon ang mabibiyaan dito.