May 19, 2024

NAGTALO SA ‘KARA Y CRUZ’, LALAKI SUGATAN SA PANANAKSAK

NAGTAMO ng sugat sa katawan at sa leeg ang isang 24 anyos na binata matapos pagsasaksakin ng kanyang nakaalitang kalaro sa isang sugal sa Tondo, Maynila.

Mabilis na naisugod sa Ospital ng Tondo at kalaunan ay inilipat ito sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang na nakilalang si Jomar Bucao ng 671 Daang Bakal St., sakop ng Brgy.163 Zone 14 , Tondo.

Habang mabilis namang tumakas ang itiniturong suspek na nakilala lamang sa alyas na “Joel”.

Batay sa i formation ni P/ Lt.Col. Robert Domingo, Commander ng Manila Police District – Jose Abad Santos Police Station 7, bandang alas-1:40 ng madaling araw  nang pagsasaksakin ang biktima sa harap ng kanyang bahay.

Nauna rito, kasamang nagsusugal ang suspek at ilang tambay sa lugar ng sugal-lupa (cara’y cruz) sa tabi ng riles ng tren.

Nagkaroon umano ng pagtatalo ang biktima at ang suspek kaya minabuti na lamang na umuwi si Bucao.

Ilang saglit pa lamang umano ang nakakaraan, nang sumulpot ang suspek , habang nakatayo sa harap ng bahay ang biktima.

Dito na patraydor na sinaksak sa likurang bahagi ng katawan at sa leeg ang biktima, saka mabilis na itong tumakas papalayo itong si alyas ” Joel”.

Ilang tambay naman sa lugar ang nakasaksi sa pangyayari at nagtulong-tulong na maisugod sa pagamutan ang biktima at kalaunan ay inilipat ito ng ospital.

Dahil dito, iniutos ni P/ Lt.Col.Domingo ang agarang pagdakip sa suspek. (FELIX LABAN)