January 25, 2025

‘RESILIENCY’ SUSI SA EPEKTIBONG PAGHAHATID NG SERBISYO SA QCITIZENS

BINIGYANG-DIIN ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang kahalagaan ng “resiliency” na nagpapalakas sa paghahatid ng serbisyo at programa sa QCitizens at naging daan upang makabawi at makabalik tungo sa tuluyang pagbangon ng siyudad.

Sa kanyang ika-apat na State of the City Address (SOCA), sinabi ni Belmonte na ang pamahalaang lungsod ay naging isang halimbawa ng katatagan sa pamamagitan ng hindi pagsuko sa kabila ng mga malalaking pagsubok na dumating sa siyudad.

“When QCitizens were looking up to us, to provide a way forward, there was no time to waste. There was no time to hesitate. Our eyes and ears were focused on the needs of our people. Our resilience is the product of that singular focus,” saad ni Belmonte.

“Hindi natin kayang mapaghandaan ang lahat ng hamon. Ang maaari lang nating ihanda, ay ang ating kahandaan. We can only prepare, to always be prepared. Some call it resilience, and some call it excellence,” dagdag ng alkalde.

Aniya pa, malaki ang naging papel na ginampanan ng good governance para mapatibay ang resiliency sa komunidad at mga residente ng siyudad.

“Hindi po natin hinanap ang resilience. Natagpuan po natin ito habang binabagtas natin ang landas ng good governance. Ang pagtutok sa mga pangangailangan ng mga tao, katapatan sa serbisyo, pagdedesisyon ayon sa dikta ng mga datos, at ang ingklusibong pamumuno, ang ating baon sa paglalakbay na ito,” saad niya.

Bilang bahagi ng kanyang layunin para isulong ang people centric-governance, pinalakas ni Belmonte ang Quezon City People’s Council, kung saan nasa 4,055 Civil Society Organizations (CSOs) ang naiparehistro na makakatulong ng pamahalaang lungsod sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga programa at serbisyo ng siyudad.

Dagdag pa rito, nagsagawa rin ang pamahalaang lungsod ng 168 QC Services Caravans sa iba’t ibang lugar sa siyudad at nagpatupad ng People’s Corner kung saan nabigyan ng pagkakataon ang QCitizens na makapaglabas ng kanilang hinaing.

“We have upgraded our mode of governance from being merely consultative, into a fully inclusive, integrated and participative process of decision-making,” saad ni Belmonte.

Binigyang-diin din ng alkalde bahagi rin ng good governance at resiliency ang pagpapalakas sa sistema ng kalusugan at pagpapalas ng komunodad, lalo na tuwing may kalamidad at sakuna.

Ayon kay Belmonte, tinaasan ng city government ang financial remuneration para sa contractual medical health professionals, kabilang na ang mga doktor at community health workers, at dinagdagan ang bilang ng mga benepisyaryo para sa kanilang libreng maintenance medicine program na aabot sa 50,000 katao mula sa dating 7,000, at iba pa.

Ipinatupad din ng QC-DRRMO ang iRISEUP Program o Intelligent, Resilient & Integrated Systems for Urban Population para mangalap ng datos mula sa early ­warning devices, remote sensors, data loggers at field equipment para mapaghandaan nang husto ang anumang sitwasyon o panganib. Bilang panghuli, nanawagan din si Belmonte sa QCitizens na suportahan ang kanyang pagnanais na magkaroon nang mapayapa, ligtas at maunlad na bansa.

“Mahalaga ang bawat QCitizen, lalo na sa kanilang pakikiisa sa mga layunin at adhikain ng isang payapa, ligtas at maunlad na lungsod.  Hindi tayo laging mabibigyan ng pangalawang pagkakataon. Kailangang lagi tayong handang humarap sa anumang hamon. Dito sa QC ngayon, at sa buong haba ng panahon,” saad niya.