May 15, 2024

P16.1-M shabu nasabat sa Malabon; Big-time tulak, timbog

KALABOSO ang isa umanong notoryus drug pusher na listed bilang High-Value Individual (HVI) matapos makuhanan mahigit P16 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro ang naarestong suspek bilang si Noel Herrera alyas “Toto”, 56 at residente ng Maragarita St. Brgy. Niugan.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) District Director PBGEN Ponce Rogelio Peñones Jr, sinabi ni Col. Amante na nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Malabon police hinggil sa pagbebenta umano ng suspek ng shabu.

Kaagad ikinasa ng mga operatiba sa pangunguna ni PLT Alexander Dela Cruz ang buy bust operation kung saan sa Pureza Street, Brgy. Tugatog ang napagkasunduan lugar na gaganapin ang transaksyon sa pagitan ng suspek at ng pulis na magsisilbi bilang poseur.

Nang matanggap ang pre-arrange signal mula sa pulis poseur-buyer na hudyat na nakabili na siya ng shabu sa suspek ay agad lumapit ang back-up na operatiba saka sinunggaban si Herrera.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 2 kilos at 380 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value Php 16,184,000.00, buy bust money na dalawang pirasong P1,000 bills na may kasamang boodle money, digital weighing scale at driver’s license. Kasong paglabag sa Section 5 (Sale) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) of Art. II of R.A. 9165 ang isinampa ng pulisya kontra sa suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office.