May 16, 2024

P115-K halaga ng droga nasamsam

Arestado ang dalawang hinihinalang drug pusher sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Jessie Tamayo ang naarestong mga suspek na si Conrad Aceron alyas Benjie, 42, painter ng 243 Sanchez St. Brgy. Tinajeros at Bernard Bates alyas Bennie, 33, helper ng Celia II St. Brgy. Bayan Bayanan.

Ayon kay Col. Tamayao, dakong alas-2:50 ng madaling araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Venchito Cerillo kontra sa mga suspek sa Gen. Luna corner Rodriguez St. Brgy, Bayan Bayanan.

Nagawang makapagtransaksyon ng isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer ng isang sachet ng shabu sa mga suspek.

Nang tanggapin ng mga suspek ang P500 marked money mula sa poseur-buyer ay agad inaresto ang mga ito ng mga operatiba.

Nakumpiska sa mga suspek ang aaboot sa 17.04 gramo ng shabu na tinatayang nasa P115,872.00 ang halaga at buy-bust money.