Kinumpirma ni Vice Mayor Karina Teh na aprubado na ang 2026 Annual Budget ng Lungsod ng Caloocan na nagkakahalaga ng ₱11.8 bilyon matapos ang isinagawang ika-13 Regular Session noong Oktubre 1, 2025.
Bagama’t naunang naipost ang impormasyong ito sa personal na Facebook page ng Bise Mayor noong Oktubre 3, kapansin-pansin na wala pa ring opisyal na update o anunsyo na makikita sa mga pangunahing government platforms gaya ng Caloocan City Council page o Caloocan Public Information Office.
Sa post ng Batang NorCal Facebook page, binigyang-diin nito na ang mga ganitong mahahalagang dokumento ay dapat matagpuan sa mga opisyal na plataporma ng lungsod upang madaling ma-verify ng mga residente ang impormasyon sa halip na umasa lamang sa mga personal na account ng mga opisyal.
Ang naaprubahang budget para sa 2026 ay mas mataas ng P1.1 bilyon kumpara sa P10.7 bilyon noong nakaraang taon, ngunit nananatiling bitin ang publiko sa mga detalye nito.
Sa ilalim ng Ordinance No. 13-024 s. 2025, ang kabuuang halaga lamang ang kasalukuyang batid ng madla habang wala pa ring inilalabas na kumpletong breakdown para sa mahahalagang sektor gaya ng kalusugan, edukasyon, inprastraktura, serbisyo sosyal, at pampublikong seguridad.
Ayon pa sa Batang NorCal Facebook page, maging ang buong teksto ng nasabing ordinansa ay hindi pa rin naka-upload sa opisyal na website ng lungsod o sa transparency portal nito, kaya naman may magalang na panawagan sa City Council na isapubliko ang detalyadong alokasyon ng pondo upang itaguyod ang accountability sa lokal na pamahalaan.
Dagdag pa nito, nananatili ring hindi malinaw sa ngayon kung pormal na itong napirmahan ni Mayor Along Malapitan upang maging ganap na opisyal na budget para sa taong 2026.
Ang paglalathala ng mga pampublikong dokumento ay isang mahalagang hakbang upang matiyak na ang bawat sentimo ng pondo ng bayan ay mapupunta sa mga tamang programa na mapapakinabangan ng mga mamamayan ng Caloocan.
Inaasahan ng komunidad na mabibigyang-linaw ang mga isyung ito sa lalong madaling panahon para sa kaalaman ng bawat Batang Kankaloo.
