December 25, 2024

P100 DAGDAG-SAHOD ‘DI SAPAT – HONTIVEROS

BAGAMAT angkop lang itulak ang legislated wage hike para sa mga manggagawa sa pribadong sektor, mainam pa rin na sabayan na rin ng non-wage benefits.

Ito ang hirit ni opposition Senator Risa Hontiveros, kasabay ng panawagan sa mga kapwa mambabatas na isulong ang panukalang magbibigay-daan sa non-wage benefits ng mga obrero.

Para kay Hontiveros, hindi sapat ang P100 dagdag-sahod para sa mga minimum wage earners – “Hindi pa po talaga, kahit batay sa mga numero ng gobyerno mismo, na magkano ba talaga ang living wage sana na kikitain ng isang manggagawa o isang pamilya ng mga manggagawa para hindi nabubuhay sa ilalim ng poverty line, halos hindi nabubuhay.”

“So, talagang yung minimum wage dapat pang ilapit sa living wage. At maaring hindi lang sa pamamagitan ng pagpapataas ng legislated wage. Baka may mga ibang non-wage measures, non-wage benefits din na pwede namin isabatas dito sa legislature at pwede din gawin ng ating Executive,” dagdag ng senador.

Ayon kay Hontiveros, malulutas ang problema sa pananalapi ng manggagawa sa pamamagitan ng tinawag niyang ‘ideal package” ng economic reforms.

Nang tanungin saan huhugutin ang pondo sa isinusulong na ‘ideal package,’ hayagang tinukoy ng senador ang salaping maisusubi ng pamahalaan kung masusugpo ang katiwalian sa pamahalaan – at magagawang ipakulong ang mga kawatang lumustay ng pera ng bayan.

“Baka package talaga ng mga economic reforms para ang sumatotal ay mas may buying power yung sahod o sweldo ng ating mga kababayan at mas abot kaya yung, presyo ng mga bilihin at mga serbisyo. At syempre, na nakaka-cut down din natin hanggang ma-eliminate ang korapsyon, dahil yan ay isang malaking pinagkakawalaan ng pondong dapat sana ay ginagamit para maiahon sa kahirapan ng maraming pamilya ang sarili nila,” ayon kay Hontiveros.

Makakatulong din sa ekonomiya ang manggagawa kung mas malakas ang kanilang kita sa pamamagitan ng regular spending, aniya pa.

“We are hopeful that the P100 wage hike bill will be acted positively in the House of Representatives, and will be immediately signed into law by the President.”