December 24, 2024

P10-K TEACHING ALLOWANCE SA LAHAT NG PUBLIC SCHOOL TEACHERS

Labis ang kagalakan ng Department of Education (DepEd), Alliance of Concerned Teachers (ACT), Teachers Dignity Coalition, at Philippine Public School Teachers Association sa pag-apruba ng Bicameral Conference Committee sa “Kabalikat sa Pagtuturo Act” ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., ang itinuturing nila na kampeon ng mga guro.

Naging madamdamin  ang mga guro dahil mula noong ika-16 na kongreso pa nila ito hinahangad kung saan sa Chairmanship ni Sen. Revilla na Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation ay naisakatuparan ang kanilang pangarap at adhikain.

Batay sa panukala ni Sen. Revilla, ang Principal Author at Sponsor, ang dating P5,000.00 na teaching allowance ay magiging doble na o P10,000.00, at lalagdaan na lamang ito ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa statement ng mga guro, malaking bagay ang pag-doble ng kanilang allowance upang hindi na sila magkaproblema sa pagbili ng mga gagamitin sa pagtuturo.

Iginiit naman ng senador, na ang panukalang ito ay kasama sa kaniyang Top Legislative Priorities lalo na’t ang kasalukuyamg pagtuturo ay nag-evolve na kaya dumagdag na rin ang demands na nakaatang sa mga guro.

Una na rin niya itong naipangako sa mga guro na itinuturing niyang mga “bayani” dahil sa kanilang sakripisyo at kadakilaan na kanilang ginagampanan sa lipunan.