Liwanag para sa kabuhayan. Sa Sitio Sapang Saging, Norzagaray, Bulacan, nagbukas ng bagong oportunidad ang Household Electrification Program—mula kuryente tungo sa sariling piso WiFi business na nagbigay kita at koneksyon sa komunidad.
Naghatid ng liwanag at pag-asa ang One Meralco Foundation (OMF) matapos nitong ma-energize o mabigyan ng kuryente ang 170 low-income households sa Barangay San Mateo, Norzagaray, Bulacan.
Ang mga pamilyang benepisyaryo mula sa Sitios Compra, Alinsangan, Macawani, Ipo, Centro, Liwasan, Hulo at Sapang Saging ay matagal nang walang sariling koneksyon sa kuryente at napipilitang gumamit ng mahal na submetering arrangements.

Sa pamamagitan ng Household Electrification Program (HEP) at katuwang ang Meralco Sta. Maria Business Center, nag-install ang OMF ng service entrances at nagbigay ng teknikal na tulong upang magkaroon ng lehitimo, matatag, at maaasahang serbisyo ng kuryente ang mga residente.
Isa sa mga nakinabang ay ang pamilya ni Francisco Lagman mula Sitio Sapang Saging, na walong taon umasa sa submetering at buwanang nagbabayad ng P1,000 kahit limitadong gamit lang ang appliances. Ngayon, dahil sa OMF at Meralco, mas mababa na ang kanilang singil sa kuryente at ang natitipid ay magagamit na nila para sa edukasyon ng kanilang dalawang anak.
Samantala, si Melinda Borromeo, na anim na taon nang benepisyaryo ng programa, ay nakapagpatayo ng sari-sari store, carinderia, at piso WiFi business na kumikita ng hanggang P8,000 kada buwan. Ayon sa kanya, malaki ang ginhawang dala ng pagkakaroon ng sariling koneksyon sa Meralco at hinikayat pa niya ang anak na magsarili ring mag-apply sa programa.
Nagpasalamat naman si Mayor Maria Elena L. Germar sa inisyatiba ng OMF at Meralco.
“Ang partnership namin sa inyo ay nagdala ng tunay na pagbabago sa buhay ng aming mga kababayan. Sa mga programang nagbibigay liwanag at pag-asa, tunay ngang may liwanag ang buhay,” aniya.
Para naman kay OMF President Jeffrey O. Tarayao, ang pagkakaroon ng kuryente sa mga tahanan ay higit pa sa liwanag kundi simbolo ng pag-unlad at katatagan ng komunidad.
Mula pa noong 2011, mahigit 79,000 low-income households na ang na-energize ng OMF sa loob ng Meralco franchise area, patunay na ang pagkakaroon ng kuryente ay susi sa mas produktibong pamilya, mas mataas na kita, at mas maunlad na pamayanan.
