ITINAKDA ng Commission on Elections (Comelec) ang kauna-unahang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) parliamentary elections sa Marso 31, 2026, matapos ideklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang Bangsamoro Autonomy Act No. 77 at BAA No. 58.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, susundin ng poll body ang direktiba ng Korte Suprema at hindi na ito aapela sa naturang desisyon.
“There shall be the first Bangsamoro parliamentary elections, the first in history, to be conducted on March 31,” ani Garcia.
Batay sa desisyon, inatasan ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) na tukuyin ang alokasyon ng mga distrito para sa parliamentary seats hanggang Oktubre 30, 2025.
Samantala, binigyan naman ng mandato ang Comelec na tiyakin ang pagsasagawa ng halalan hindi lalampas ng Marso 31, 2026.
Matatandaang orihinal na itinakda ang BARMM elections kasabay ng May 12, 2025 midterm polls, ngunit inilipat ito sa Oktubre 31, 2025, bago tuluyang ipinagpaliban sa susunod na taon alinsunod sa pasya ng Korte Suprema. Ang nasabing halalan ay itinuturing na makasaysayan dahil ito ang magiging unang parliamentary elections sa rehiyon ng BARMM. (ARSENIO TAN)
