December 21, 2024

OBEBE VS DIYAMANTE SA MOST OUTSTANDING SWIMMER RACE TULOY NGAYON SA COPA

Obebe vs Diamante

MAGPAPATULOY ang Congress in Philippine Aquatics, Inc. (COPA) Reunion Challenge National Championships ngayong weekend sa pagtatanghal ng ikalawang bahagi ng apat na araw, dalawang weekend na torneo sa Teofilo Yldefonso swimming pool sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Manila.

Nakatuon ang lahat kay Pauline Beatriz Obebe ng Aqua Sprint Swimming Club at Nicola Queen Diamante ng RSS Dolphins Swim Team, na parehong nangungunang kandidato para sa Most Outstanding Swimmer (MOS) award sa kanilang  pagtatanghal sa kani-kanilang kategorya sa torneo na suportado ng  Philippine Sports Commission (PSC), MILO at Speedo.

Ang 12-anyos na si Obebe ay nakakuha ng walong gintong medalya sa 10 event na nilahukan  habang si Diamante ay umangkin ng limang gintong medalya sa 11-taong gulang na kategorya ngunit sa kabuuan ng kanyang kampanya sa tatlong leg ng Reunion halos pormalidad na lamang ang pagbiigay ng MOS sa kanya.

“Mas mataas ang level ng excitement dahil aabangan natin itong sina Obebe at Diamante kung may maidadagdag pa sa mga medalyang napagwagian nila last week. Pero hindi lang sila ang aabangan natin dahil marami pa ang humahakot sa kanilang dibisyon,” sambit ni Tournament Director Chito Rivera.

Samantala, nagpasalamat si Rivera sa desisyon ng founding president ng COPA na si Batangas 1st District Representative Eric Buhain sa kanyang na ibalik ang 50% sa entry fee ng swimming club na may mga swimmers na qualified para sa Southeast Asian Age-Group Championship sa susunod na buwan sa Kuala Lumpur, Malaysia. 

Binigyang-diin ni Buhain na ang diskwento ay suportang pinansyal ng COPA para mabawasan ang mga gastusin ng mga kwalipikadong manlalangoy para sa kanilang koponan.

“Halimbawa, ang Team Aqua Surfers ay may dalawang kwalipikadong manlalangoy para sa SEAG Age group meet. Kasama ng Team Aqua ang 10 swimmers sa COPA’s meet sa halagang P3,650 bawat isa sa kabuuang P35,500. Ibinalik natin ang P18,250 para hatiin ng pantay sa tig-P9,125 para maidagdag sa budget ng atleta,” pahayag ni Buhain.

Nangangailangan ng $1,700 bawat isa ang mga kabataan na kuwalipikadong manlalangoy para makalahok  sa Malaysia at nangako si Buhain na dudulog pa sa mga kaibigan at pribadong sector para makalikom ng pondo na maitutulong sa mga atleta.