May 14, 2024

Navotas Cemetery ginagawang bentahan ng shabu

ARESTADO ang tatlong hinihinalang drug personalities sa isinagawang buy-bust operation ng mga puli sa loob ng isang sementeryo sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Navotas police chief chief Rolando Balasabas ang naarestong mga suspek na si Ramil Quinabato alyas “Ramil Mata”, 40, (Pusher/Listed), Lito Del Pilar, 43, (User/Listed), at Cedrick Macdon, 26, pawang ng Bagong Silang St., Brgy. San Jose.

Ayon kay Col. Balasabas, bandang alas-9:20 ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Genere Sanchez kontra sa mga suspek sa loob ng Navotas Cemetery sa Gov. Pascual St. Brgy. San Jose.

Matapos tanggapin ng mga suspek ang P300 marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad lumapit ang mga operatiba saka inaresto ang mga ito.

Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 1.5 gramo ng shabu na tinatayang nasa P10,200.00 ang halaga, P200 bill at buy-bust money.

(JUVY LUCERO)