May 16, 2024

No. 5 most wanted person ng Aurora, arestado sa Valenzuela

ARESTADO ang isang lalaki na listed bilang number most wanted sa probinsya ng Aurora matapos malambat ng pulisya sa Valenzuela City.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) District Director PBGEN Ponce Rogelio Peñones Jr, kinilala ni Valenzuela City police chief, Col Salvador Destura Jr ang naarestong akusado bilang si Elmerchor Coro, 42.

Ayon kay Col. Destura, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Valenzuela police hinggil sa pinagtataguan lugar ng akusado sa lungsod.

 Kasama ang Maria Aurora Municipal Police Station, agad nagsagawa ang mga operatiba ng WSS sa pangunguna ni PLt Ronald Bautista ng joint manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Coro sa Encarnacion St., Brgy. Dalandanan, Valenzuela City.

Ani PLt Bautista, si Coro na listed bilang number 5 most wanted person sa municipal level at number 10 sa provincial level ay dinakip nila sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong December 28, 2021 ni Judge Enrico Voltaire Rivera ng Baler Regional Trial Court (RTC) Branch 91 para sa kasong Rape.

Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.