ARESTADO na ng pulisya ang isang wanted na security guard na nahatulan sa kasong Frustrated Homicide sa Lungsod ng Valenzuela nang matunton sa kanyang pinagtataguan sa Pasig City.
Sa nakalap na impormasyon sa tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, nakatanggap ng impormasyon ang Valenzuela City Police Station na nagtatago sa Pasig City ang 42-anyos na akusado na residente ng Taguig City.
Nakatala ang akusado bilang No. 5 sa Top Ten Most Wanted Person sa Valenzuela Police at No. 9 naman sa NPD kaya ikinasa ng pulisya ang malawakang pagtugis sa kanya.
Sa koordinasyon sa National District Intelligence Team (NDIT), Regional Intelligence Unit–NCR (RIU-NCR), at Intelligence Group (IG), matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ng Valenzuela CPS sa pangunguna ni P/Lt. Felix Viernes sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Capt. Robin Santos ang akusado dakong alas-9:50 ng gabi sa Ortigas Center, Pasig City.
Hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi sa kanya ang warrant of arrest na inisyu ng Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Branch 270, noong October 10, 2023, para sa service of sentence. (JUVY LUCERO)
