TIKLO ang isang manyakis na lalaki na wanted sa dalawang bilang ng panghahalay sa isang menor-de-edad na biktima matapos matunton ng pulisya Navotas City.
Sa ulat ni Navotas police chief P/Col. Renante Pinuela sa Northern Police District (NPD), nakatanggap sila ng impormasyon na namataan ang presesnya ng 37-anyos na akusado sa kanilang lugar sa Barangay North Bay Boulevard North (NBBN).
Ayon kay Col. Pinuela, ang akusado ay nakatala bilang No. 6 sa Top 10 Most Wanted Person sa NCRPO, No. 1 MWP sa NPD at No. 3 MWP naman sa Navotas CPS dahil sa bigat ng kinakaharap nitong kaso.
Kaagad bumuo ng team ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Navotas CPS bago ikinasa ang operation hanggang sa makorner nila ang akusado sa Old Fish Port Street, Market 3 dakong alas-3:25 ng hapon.
Ang akusado ay dinakip ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Family Court, National Capital Judicial Region, Branch 9-Navotas, noong October 28, 2025, para sa Qualified Rape of a Minor (2 counts) na walang inirekomendang piyansa.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Navotas CPS habang hinihintay ang commitment order mula sa korte na nag-isyu ng warrant para sa paglilipat sa kanya sa City Jail. (JUVY LUCERO)
