Nais ni Deputy Minority Leader Sen. Risa Hontiveros na magkaroon ng imbestigasyon sa umano’y pang-aabuso at pagmamaltrato sa 156 batang nasagip mula sa kustodiya ng isang Pastor Jeremy Ferguson ng New Life Baptist Church of Mexico Pampanga, Inc. (NLBCMPI).
Sa kanyang inihaing Senate Resolution No. 77, binanggit ni Hontiveros ang mga ulat na nagsasabing ang mga bata ay dumanas ng marahas at mapanirang trato, kabilang na ang pisikal, berbal, at sikolohikal na pang-aabuso habang nasa pangangalaga ng nasabing simbahan.
Batay sa reklamo ng dalawang 12-anyos na bata, na iniharap ng kanilang mga tagapag-alaga at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), pinaluluhod umano sila ni Pastor Ferguson nang matagal, pinakain ng panis na pagkain, at ipinagkait ang kanilang paglalaro.
Bukod sa mga alegasyong ito, natuklasan din ng DSWD na lumabag ang NLBCMPI sa mga pamantayan ng Registration, License to Operate, at Accreditation. Operado raw ang pasilidad sa kabila ng panganib sa sunog, maling paggamit ng pondo, at kawalan ng maayos na pamamahala, dahilan para maglabas ng 30-day cease and desist order ang ahensya.
Iginiit ni Hontiveros na kailangan nang repasuhin ang mga umiiral na batas at polisiya, partikular ang Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, upang masiguro ang mas matibay na proteksyon sa mga batang inaalagaan ng mga pribado at pampublikong institusyon.
“Ang insidenteng ito ay nagpapakita ng pangangailangan para sa masusing rebisyon ng mga mekanismo ng akreditasyon, monitoring, at regulasyon sa mga institusyong kumakalinga sa mga menor de edad upang maiwasan ang katulad na pangyayari,” ani Hontiveros.
Nais ng senadora na pagtuunan ng pansin ng kanyang komite — ang Senate committee on women, children, family relations, and gender equality — ang malalimang pagbusisi sa naturang isyu.
