
MAYNILA — Muling isinailalim sa pagpapatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang No Contact Apprehension Policy (NCAP) simula nitong Lunes, Mayo 26, 2025, na sumasaklaw sa kabuuang 22 pangunahing kalsada at highway sa Metro Manila.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, lahat ng paglabag sa trapiko ay saklaw ng NCAP. Bilang bahagi ng pagpapatibay ng programa, patuloy ang paglalagay ng mas makabago at high-tech na CCTV cameras sa iba’t ibang lugar sa lungsod.
“Maraming bagong CCTV, mas moderno, mas high-tech ang resolution. Nasa 1,000 pa ang ating ikinakabit as of this time,” pahayag ni Artes.
Batay sa inilabas na listahan ng MMDA, ang mga sumusunod na pangunahing lansangan at highway ay sakop ng NCAP:

Narito ang listahan ng mga karaniwang violation at kaukulang multa:

Sa ilalim ng NCAP, ang mga lumalabag sa batas-trapiko ay mahuhuli sa pamamagitan ng CCTV footage sa mga pangunahing kalsada. Sinabi ni Artes na gagamit na rin ang MMDA ng artificial intelligence (AI) upang awtomatikong matukoy ang mga paglabag. Ang bawat footage ay dadaan sa supervisor validation bago ipadala ang notice of violation sa rehistradong may-ari ng sasakyan.
Ang notice ay ipapadala sa pamamagitan ng express mail sa loob ng pitong (7) araw, at kasalukuyang nakikipag-ugnayan na rin ang MMDA sa mga telecommunication companies para sa text notification ng mga paglabag.
Maaaring kuwestyunin ng may-ari ang paglabag personal o online sa pamamagitan ng MMDA website. Pinaalalahanan din ni Artes ang mga motorista na responsibilidad ng dating may-ari ng sasakyan na agad ilipat ang rehistro matapos ang bentahan. Kung sakaling makagawa ng paglabag ang bagong may-ari bago pa mailipat ang rehistro, kailangang bayaran muna ang multa bago ito muling mairehistro.
“Lookout ng bumibili ng sasakyan na ipa-transfer kaagad. Ang epekto n’yan, hindi nyo marerehistro ang sasakyan hanggat hindi n’yo nababayaran ang penalty,” babala ni Artes.
“Pinag-uusapan na rin namin ng LTO ang posibilidad ng automatic impound ng sasakyang hindi rehistrado.”
Dagdag pa ni Artes, may mekanismo para matukoy ang aktwal na driver ng sasakyan, ngunit mananatili ang multa sa pangalan ng rehistradong may-ari maliban na lamang kung maipakita ang sapat na patunay kung sino talaga ang nagmamaneho sa oras ng paglabag.
