Mariing itinanggi ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Lunes, Nobyembre 17, ang mga paratang ni dating Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na dinukot, binugbog, at pinalipad palabas ng bansa gamit ang pekeng pasaporte ang dating aide ni Rep. Zaldy Co na si John Paul Estrada at ang asawa nito.
Ayon sa NBI, ang mga akusasyon ay “unfounded, unsupported by evidence, and purely speculative.”
“Walang complaint, walang medical record, at walang kahit anong dokumento na nagpapakitang nasaktan o nakulong sa NBI sina Estrada at ang kanyang asawa,” pahayag ng ahensya.
Binigyang-diin din ng NBI na wala silang anumang custody record ng mag-asawa at hinamon si Defensor na maglabas ng beripikadong ebidensiya sa halip na hearsay.
Sinabi ni Defensor na ipinadukot umano at pinigilan ang mag-asawa upang hindi sila makapagtestigo sa imbestigasyon kaugnay ng kontrobersyal na flood control scam, at na binigyan pa raw ng NBI ng pekeng pasaporte upang makalipad patungong Chile.
“No such record exists,” tugon ng NBI.
Kasabay nito, nakipag-ugnayan na rin ang NBI sa Bureau of Immigration upang tukuyin kung totoong umalis ng bansa ang mag-asawa.
Mariing kinondena ng ahensya ang anumang “false, malicious, or unverified statements” na nagtatangkang sirain ang integridad nito.
Dagdag ng NBI, nakipag-ugnayan na raw si Defensor sa kanila at nangakong magsusumite ng material evidence upang suportahan ang kanyang mga pahayag.
“Handa ang Bureau sa anumang lehitimong imbestigasyon. Ngunit kung walang kredibleng ebidensiya, ang mga alegasyong ito ay walang bigat at maaaring magresulta sa kaso dahil sa masamang hangaring sirain ang NBI,” ayon sa pahayag.
